Monday, January 18, 2010

Richard Gutierrez to star again as Captain Barbel in GMA 7


Matapos magpahinga sa paggawa ng fantaserye, muling lilipad sa Mayo si Richard Gutierrez bilang Pinoy superhero na likha ni Mars Ravelo na si Captain Barbel sa Kapuso Network.

Sa ulat ni entertainment reporter Nelson Canlas, bukod sa istorya at mga special effects, dapat ding abangan kung sino ang magiging leading lady ni Richard.

At kahit sa Mayo pa ieere ang pagbabalik ni Captain Barbel, ngayon pa lang ay pinaghahadaan na ito ng GMA 7. Nagsimula na rin ang paunang creative meeting ng fantaserye na dinaluhan mismo ni Richard, kasama ang kanyang ina na si Annabelle Rama.

Dumalo rin sa naturang pulong sina GMA Films President Annette Gozon-Abrogar at Senior Program Manager Reggie Magno. Dahil ikalawang yugto na ito ng Captain Barbel, titiyakin daw ng mga bumubuo ng produksiyon na mas lalong magiging maaksiyon at kapana-panabik ang pagbabalik ng kuwento ni Mars Ravelo.

"I think nakapag-break ako nang matagal-tagal sa mga action sequences, sa mga fight scenes, sa mga fantasy, and now I’m ready to go back. Talagang I’m looking forward to the show," ayon kay Richard sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules.

"Sobrang excited kami para sa Captain Barbel. In fact, [it is] one of the 60th anniversary special offering this year, so maglo-launch 'to sa May. Tamang-tama para sa summer ngayon pa lang, kahit January pa lang, pinaghahandaan na talaga," idinagdag ni Ms Annette.

Pero bukod sa istorya at special effects, inaasahan na magiging maintriga rin kung sino ang magiging leading lady ni Richard. Ngunit hindi pa muna ihahayag kung sino ang mapalad na katambal ni Captain Barbel.

"Maraming dapat abangan sa Captain Barbel, pati sa istorya, kung pa'no namin iibahin at kung paano pa namin pagagandahin ang Captain Barbel," ayon sa binata.

Habang naghahanda sa muli niyang paglipad, ibinubuhos daw muna ni Richard ang kanyang talento sa mga nalalabing araw sa ginagampanan niyang karakter bilang si Justin sa Full House.

"Talagang pinlano ko 'yon na after Zorro gagawin ko muna yung Full House at magiging normal human being muna ako on tv, after that ang pagbabalik ni Captain Barbel," idinagdag ng aktor.

"Ngayon special treat for his fans na makitang totoong tao siya sa Full House, so enjoy na enjoy naman siya at tuwang-tuwa rin kami dahil ang daming nanood ng Full House at ang daming natutuwa sa show. After this balik fantasy na si Richard," pahabol ni Ms Annette.

No comments: