Ano kaya’ng ginagawa ni Rosanna Roces ngayon matapos ma-forczed evict bilang guest judge sa It’s Showtime? First day pa lang niya ay hindi na maganda ang pakiramdam namin. Si Vice Ganda, resident at ’di mai-evict na judge, open arms siyang winelcome sa show. Nasorpresa lang ito dahil paglapit sa kanya, sinampal siya ni Osang. Na-realize sigurong mali ang ginawa niya, kaya umatras siya’t niyakap si Vice.
Nagkaroon na kami ng feeling na mukhang bubuga pa ang dating bold star on air, lalo na’t live ang show, walang edit-edit o bleep-bleep.
Bawiin man ang naunang sinabi, nasabi na ang tunay na saloobin.
* * *
True enough, second day pa lang ni Osang, may mga pinakawalan na siyang salita. Nariyan ang biro ni Vice Ganda sa kanya na siya’y may dyowang hinete ay nireakan niya ng, “Walanghiya ka talaga! Nambubuko ka pa, demonyo ka!”
Ang sakit sa tenga, ’di ba?
Ang isa pang nakakalokah, nu’ng may nag-perform lang na Panday, nakaisip ng sasabihin si Osang bago magbigay ng score. “Alam n’yo, mas magaling kayo kesa sa original Panday na puro naman panga!”
Original Panday? Sino ba’ng original Panday? ’Di ba’t sumakabilang-buhay na? Pati ba naman ang namayapa nang si FPJ, idadamay pa ni Osang sa baluktot niyang panghuhusga sa grupong nag-perform?
* * *
Ang the height ng labas ni Osang ay nu’ng may mag-perform na taga-Calamba, Laguna. Binigyan pa niya ang mga bata ng on-the-spot quiz. Gusto lang niyang i-prove ang family background ni Jose Rizal kung bakit pati teachers, napagdiskitahan niya?
“Kaya kayo, murahin n’yo ang mga teacher n’yo, dahil hindi nila sinasabi ang tama. Ako no’n, minura ko ang teacher ko, eh. ’Yang mga teacher na ’yan, sila ang mga talagang repeater dahil inuulit lang nila ang itinuturo nila.
“Mga walanghiya ’yang mga teacher na ’yan, eh!” something to this effect na sey ni Osang.
* * *
Alam naman nating lahat na ang mga guro ay itinuring na nating pangalawang magulang. Na malaking bahagi sila ng ating pagkatuto sa buhay, ng kung ano tayo ngayon at depende na sa atin kung ano o paano natin gagamitin ang mga natutunan natin sa eskuwela sa pakikipaglaban sa buhay.
Nagkakandakuba sa pagtuturo ang mga guro (lalo na ang mga nasa public school) kahit pa maliit lamang ang sinusuweldo dahil sinumpaan nilang tungkulin at obligasyon ang edukasyon sa mga batang itinuring na nilang mga anak, tapos, bababuyin lang ng isang taong hindi naniniwala sa edukasyon?
Binawi ni Osang ang kanyang sinabi pagbalik galing commercial. Hindi naman daw niya nilalahat ang mga teacher. Pinagsamantalahan daw kasi siya ng kanyang guro nu’ng araw na ngayon ay patay na at kapiling na raw ni Satanas.
Kahit pa anong paliwanag ni Osang, hindi na kayang maunawaan pa ’yon ng mga manonood na hinayblad niya, lalo na ang mga guro.
Bigla tuloy naming naalala ang interview sa kanya ni Sharon Cuneta noon sa Sharon. Ang sabi ni Osang na umiiyak-iyak pa, “Kahit hindi na mag-aral ang mga anak ko, hinanda ko na ang future nila!”
Kaya naman pala.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment